BINYAG
Fiesta. Nagsimba ako.
Dumating ako sa simbahan ng maaga dahil ibinigay ko pa ang intensyon
namin para sa mga kaluluwa ng mga yumao.
Sina Lolo't Lola, si Nanay, isang tiyuhin, isang pamangkin at ang
biyenan ng kapatid ko.
Nagbayad
ako ng kaukulang bayad para sa pamisa (di na ba tinatanggap ang dasal pag
walang bayad?) at pagkatapos pumasok na ako sa simbahan.
Nagkita
kami ng isa kong kaklase. Magpapabinyag
ako, Pre. Pwede ka bang magninong? Sure,
sagot ko. Nagka-anak ka pa? Oo nga e.
After ten years, nakabuo uli.
Pagkatapos
ng misa, saka ginanap ang binyagan. Kung
di gaanong napuno ang simbahan noong me misa, baligtad naman noong
magbibinyagan na. Napansin ko ang daming
tao. Marami ang me anak na gustong
pabinyagan. At ang daming ninong at ninang!
Karamihan
sa mga magulang, ang babata pa. Dumarami na talaga ang populasyon ng Pilipinas.
At nauuso
na talaga ang me maraming ninong. Ewan
kung makikilala pa ng bata ang mga ninong at ninang niya balang araw sa dami
nila. Noong kapanahunan ko, dadalawa
lang ang ninong ko kaya hanggang sa pagtanda nila, nagkakaalaman talaga
kami. Naging close pa nga ako sa mga
pamilya nila. Bahagi na talaga ako ng
pamilya nila. Na sya naman talaga ang dapat.
Bale, pangalawang magulang na ang mga ninong. At pangalawang pamilya mo na rin ang pamilya
nila.
Iba na
ngayon. Ilang beses na rin akong
nag-ninong sa binyag na marami akong nakasabay, at sa totoo lang, di ko talaga
kilala ang halos lahat ng mga kasabayan ko.
Iyong iba nga, baka na-meet ko na sa ibang pagkakataon, kaso di na kami
nagkaalaman. Sa dami ba naman namin.
Bago ang
opisyal na binyagan, meron muna ang nagbigay ng kaunting seminar para sa
binyag. Habang nagsasalita ang
taga-pagsalita, ewan kung ilan ang nakikinig.
Ewan nga rin kung merong nakikinig.
Busy ang lahat. Merong naghahanap
ng mga ninong at ninang at baka naligaw.
Merong nagpipiktyuran. Me mga
babyng iyak na ng iyak, either naiinitan o gutom na.
Pagkatapos
magsalita ng tagapagsalita, pumasok na si Father para simulan ang
binyagan. Yung mga nanay pakipwesto lang
sa gitna para madali. Kanya-kanyang pwesto kaagad ang mga magpapabinyag. At habang binibinyagan ang baby, hindi
magkaugaga sa pagpipiktyur ang mga me hawak ng camera at mga cell phones.
At
pagkatapos ng binyagan, diretso na kaagad sa handaan kung saan, naghihintay ang
mga masasarap na pagkain.
Bale ito na
ang pinaka-highlight ng lahat. Yung
kainan. At inuman pagkatapos. Ewan kung
ilan sa mga magulang na nagpabinyag ng kani-kanilang mga anak ang nagbigay
halaga sa sakramentong ito. O kung
naintindihan ba nila ang totoong kahulugan nito.
Nakakalungkot
man isipin pero ang pagkaka-alam ko, piktyuran, kainan at paramihan ng ninong
at ninang ang mas nakakalamang sa kamalayan ng mga nasa binyagan.
At
taun-taon, kapag me binyagan, laging ganito fiesta man o hindi.
Comments
Post a Comment