Voice Tapes
Nagliligpit ako noon ng kwarto ko. Dati kasi, nakalagay lang ang mga damit ko sa
lumang aparador na minana pa namin sa kapatid ng nanay ko. Luma na ang aparador. Gawa ito sa kahoy at ang pinto nito ay may kristal
mula taas hanggang baba. Kita ang loob ng aparador kahit nakasara ang pinto
nito. Nasa loob nito ang mga damit ko
kasama na rin ang mga damit nina nanay at tatay.
Noong namatay si nanay, niligpit namin ang mga damit
niya. Inayos namin ito at bumili ako ng
Orocan na drawer-cabinet para doon naman ilipat ang mga damit ko. Me limang drawer ang plastic cabinet. Ang tatlong drawer sa itaas ang naging lagayan
ko ng mga damit ko. Ang dalawang
natirang drawer sa ibaba ang naging lagayan ko ng mga cd at dvd ko pati na rin
ang mga cassette tapes ko.
Marami akong naipong cassette tapes. Taong 1990 hanggang 1996, nag-saudi ako. Noong panahong iyon, di pa uso ang mga cd at
dvd. Ang uso pa noon ay cassette tapes
at vhs.
Di pa rin uso noon ang cellphone at internet. Ang tanging pamamaraan noon sa pakikipag-usap
sa mga kapamilya sa Pilipinas ay ang pagtawag sa telepono at ang pagpapadala ng
sulat.
Kalimitan, sa public phone kami noon tumatawag. At itinataon ko noon na tumawag ng madaling
araw para tamang-tama, nasa trabaho na ang nanay. Mas okay ding tumawag ng ganoong oras kasi
medyo tahimik at hindi mainit. Yung
public phone kasi noon ay nasa gitna ng syudad at maingay at mainit kung sa
kalagitnaan na ng araw ka tumawag.
At everytime na gusto kong tumawag, kailangan magpapapalit muna
ako ng one riyal coins. Ganun pa kasi
ang usong payphone noon. Ginagamitan pa
ito ng coins. Meron itong sloping guide
sa bandang taas kung saan ihihilera mo ang mga coins. Pag nag connect na ang tawag mo, unti-unti ng
nahuhulog ang mga coins sa slot hanggang sa maubos ito at mapuputol na ang
pakikipag-usap mo. Minsan, pag hindi
nahulog bigla ang coin, napuputol ang tawag kaya dial ka na naman uli. Minsan, nakakainis.
Maswerte nga ngayon ang mga nag-abroad, kasi me mga
cellphones na at me internet pa. Kaya
normal na ngayon ang video calls. Di
tulad noon na masaya na kami pag nakakatanggap kami ng sulat.
Dahil may kamahalan din ang tumawag thru payphones, isang
naging pamamaraan namin sa pakikipag-usap sa mga kapamilya namin ang pag gawa
ng voice tapes. Bibili kami ng mga blank
tapes noon at mag-re-record na kami ng mga nais naming ikwento sa mga mahal namin sa
buhay. Syempre pa, tatanggap din kami ng
voice tapes galing sa pinas. Tuwing
darating ito, puno ng excitement noon ang mga barracks namin.
Sa pag-aayos ko ng mga cassette tapes ko sa drawer ng
plastic cabinet, nakita ko ang mga voice tapes ni nanay. Nagka-interes tuloy akong pakinggan ang mga
iyon. Gusto ko muling marinig ang boses
niya. Kahit boses lang niya, sapat na
itong muli kong buhayin si nanay sa kasalukuyan. At mapawi ng kaunti ang pangungulila ko sa
kanya. Oo nga at may mga naiwan naman
syang mga pictures pero iba iyong pakiramdam na naririnig ko uli ang boses
niya.
At nais ko ring marinig ng mga pamangkin ko ang boses ng
lola nila. Noon kasing mamatay si
nanay, wala pa ang mga bata. Noong
ipinanganak ang unang apo nina nanay, wala na siya.
Kaso sira na ang cassette player sa
bahay kaya di ko nagawang pakinggan muli ito. Kaya binalak ko itong
ilipat sa cd. O kaya sa mp3 format para
mailipat ko ito computer.
Sa ganitong paraan, lagi ko itong mapapakinggan. At mapapadinig
na rin sa mga apo niya.
Lumang sistema na itong voice tape. Produkto ito ng lumang teknolohiya. Subalit ito ang magbabalik ng alaala ng nanay. Dito ko muling maririnig ang
malambing nyang tinig. Dito ko muling
maririnig ang mga kwento niya. Sa
ganitong paraan din makikipag-ugnayan si nanay sa kanyang mga apo.
Sa muling pag-uwi ko, sisikapin kong mangyayari ito.
Comments
Post a Comment